Puti at tago. Birhen pa sa mata ng madla. Salat sa komersyalismo at tila napag-iwanan ng panahon. Berde, puti, kulay bato at bughaw ang tanawin. Singtamis ng mangga ang mga mamamayang namumuhay ng masaya’t simple kahit sila’y salat sa buhay. Paraiso: Kalikasan at simpleng buhay. Buhay na waring sa sarap ng mangga at paraisong maituturing. Alaala ng aking buhay sa Guimaras. Ngayon, bahid ng mantsa ng kapabayaan na hindi kasalanan ng mga tagapag-alaga ng Matamis na Esmeralda ng Kabisayaan.
Animo’y isang malayong lugar ang Guimaras sa madla. Kung tutuusin, aakalain nila na malayo ang lugar na ito. Di tulad ng kanyang kapatid na si Boracay na niyurakan ang kagandahan nito’t inalipusta at sobra na sa promosyon, ang tahimik at mala-birheng baybayin nito ang tunay na nakapag-akit sa mga Ilonggo at pati na ng taga-ibang bayo ng Pilipinas ay pumupunta dito. Berdeng berde kung titignan mo sa malayo, tila isang malaking salungat sa kaharap nitong lungsod. Pagtawid mo sa makitid na Kipot Iloilo, ibang mundo ang iyong mararanasan.
Ang Matam-is nga Esmeralda sang Kabisay-an
Ang Isla ng Guimaras ay isa sa pinakabatang lalawigan sa bansa. Humiwalay sa inang lalawigan ng Iloilo noong 1992, ito’y nagsikap na tumayo mula sa kasadlakan nito na napabilang sa 20 pinakamahihirap na lalawigan sa bansa.
Itinaguyod nito ang sektor sa agrikultura, ang taniman ng mangga. Pinaniniwalaang "Home of Philippines’ Sweetest Mangoes", 8,000 ektarya ng isla ay inialay sa pagsasaka ng mangga. Dahil sa kalidad at tamis ng mga mangga, monopolyo ng Guimaras ang pag-luwas ng mangga sa Amerika. Bawat aspeto ng lalawigan ay nakalaan sa agrikultura at pangingisda.