Puti at tago. Birhen pa sa mata ng madla. Salat sa komersyalismo at tila napag-iwanan ng panahon. Berde, puti, kulay bato at bughaw ang tanawin. Singtamis ng mangga ang mga mamamayang namumuhay ng masaya’t simple kahit sila’y salat sa buhay. Paraiso: Kalikasan at simpleng buhay. Buhay na waring sa sarap ng mangga at paraisong maituturing. Alaala ng aking buhay sa Guimaras. Ngayon, bahid ng mantsa ng kapabayaan na hindi kasalanan ng mga tagapag-alaga ng Matamis na Esmeralda ng Kabisayaan.
Animo’y isang malayong lugar ang Guimaras sa madla. Kung tutuusin, aakalain nila na malayo ang lugar na ito. Di tulad ng kanyang kapatid na si Boracay na niyurakan ang kagandahan nito’t inalipusta at sobra na sa promosyon, ang tahimik at mala-birheng baybayin nito ang tunay na nakapag-akit sa mga Ilonggo at pati na ng taga-ibang bayo ng Pilipinas ay pumupunta dito. Berdeng berde kung titignan mo sa malayo, tila isang malaking salungat sa kaharap nitong lungsod. Pagtawid mo sa makitid na Kipot Iloilo, ibang mundo ang iyong mararanasan.
Ang Matam-is nga Esmeralda sang Kabisay-an
Ang Isla ng Guimaras ay isa sa pinakabatang lalawigan sa bansa. Humiwalay sa inang lalawigan ng Iloilo noong 1992, ito’y nagsikap na tumayo mula sa kasadlakan nito na napabilang sa 20 pinakamahihirap na lalawigan sa bansa.
Itinaguyod nito ang sektor sa agrikultura, ang taniman ng mangga. Pinaniniwalaang "Home of Philippines’ Sweetest Mangoes", 8,000 ektarya ng isla ay inialay sa pagsasaka ng mangga. Dahil sa kalidad at tamis ng mga mangga, monopolyo ng Guimaras ang pag-luwas ng mangga sa Amerika. Bawat aspeto ng lalawigan ay nakalaan sa agrikultura at pangingisda.
Likas na birhen ang Guimaras. Iniwan na ng panahon at tila magpasa-hanggang ngayon ay rural pa ang paligid nito. Napangalagaan ang likas na yaman nito. Daang daang ektarya ng bakawan, mga korales kung saan naninirahan ang mga isda at lamang-dagat at ang mga puti nitong buhangin sa baybayin. Sa dagat din kumukuha ng kabuhayan ng karamihan ng mga Guimarasnon.
Dahil sa likas nitong yaman at kagandahan, nabighani ang karamihan sa mga pumupunta dito. Marami sa mga dayo ang napag-isipang mag island-hopping o di kaya pumunta sa mga di kilala o tagong resort sa murang halaga upang makapag-pahinga at mapalayo sa ingay ng buhay-syudad. Turismo na sana ang makakapag-angat sa kasadlakan ng Guimaras pero ito’y pinigilan…
Mantsa
Ika-8 ng Ogosto ng 2006, isang barko na ngalang MT Solar 1 ang lumubog sa karagatan sa katimugang bahagi ng Guimaras nang pag-hahampasin ng malalakas na alon at sinama nitong nilamon ang dalawa pang tauhan nito. Nakaligtas ang 18 tauhan ng barko at nabigyang tahanan sa Guimaras na dala ay isang malagim na balita dala ng alon at ng hanging habagat.
Tinatayang dalawang milyong litro ng bunker fuel oil ang dala ng barko na paunta sana ng Zamboanga at dahil sa lalim nito na 3000 talampakan, malakas ang pressure at dahil na rin sa kinakalawang ang mga bakal na humahadlang sa paglabas ng langis ng tuluyan, tinagurian itong "ecological time-bomb" ng Greenpeace, isang organisasyon ng mga enviromentalists.
Pag-gising ng mga mangingisda sa baybayin. Nakaamoy na sila ng tila nasusunog na gulong o aspalto sa baybayin. Ang mga puti at birheng buhangin ay tila ginahasa sa buong magdamag ng langis na nanggagaling sa barkong lumubog. Nabahiran na ng mantsa ang paraisong kinalakhan at pinangalagaan nila.
Tinatayang 200 kilometro at tatlong bayan ang naapekuhan ng pagtagas ng langis mula sa lumubog na barko. Sinira nito ang mga bakawan, ang puting baybayin, ang mga korales pati na ng buhay ng halos karamihan ng mga mangingisda at may-ari ng resort sa isla. Ikinabigla ito ng marami at ito’y ikinatakot…200,000 pa lang ang kumalat. May 1.8 milyon pang natitira sa ilalim ng dagat!
Sabay ng pag-alipusta at pag-gahasa ng Guimaras, walang nagawa ang mga mangingisda at sila’y nawalan ng kabuhayan. Nanlumo sa kalagayan ang gobernador at ito’y umiyak sa madla at media. "Ilang taon naming itinaguyod upang iahon sa kahirapan ang Guimaras at tatlong araw lang para ito’y mapunta lang sa wala!", ani niya. Mga panaghoy sa radyo sa Iloilo na nagmamakaawang mga pamilya ng mga nasalanta, nagugutom. Wala ng kabuhayan.
Ang anak ni inang kalikasan, niyurakan ng dahil sa kapabayaan. Ang paraiso na aking nakagisnan, tila taon pa ang aantayin para ito’y bumalik sa sarili nya.
Iresponsable
Nabigla ako sa mga sinabi ng Petron, ang kumpanya na nagmamay-ari ng langis sa loob ng lumubog na barko na hindi nila responsibilidad ang pagtagas ng langis sa karagatan. Marami ang naggalit sa mga sinabi nila. Akala mo kung sinong Ponsyo Pilato! Ang kanila lang daw ay ang "moral responsibility" lang kasi naka-insure naman ang barko at sila dapat ang managot. At binanggit pa nila na tumigil na daw sa pagtagas ang barko na saliwat sa ulat ng Coast Guard.
Natukoy pa sa paunang imbestigasyon ng Marina na ang kapitan ng barko ay hindi para sa "oil tankers" o barko na nagdadala ng langis kundi para lang sa mga barko na nagdadala ng kemikal. At sya ang sinisisi ng awtoridad sa ngayon dahil pinili pa nyang maglayag ang barko kahit ito’y may sira na.
Mabagal ang aksyon at kumakalat pa rin ang grasa sa dagat.
Hindi pa tumitigil ang turuan, ngayon pati ang Coast Guard at Marina ang may kasalanan. Dahil daw pinayagan pa daw lumayag ang barko kahit "incompetent" ang kapitan at masama ang panahon.
Ngayon na nasa Senado na at bumuo na ng isang lupon para imbestigahan ang naturing aksidente, walang katapusang pagtuturuan at pagbibintang ang mararanasan. Saan ba pupunta yan? Pamumulitika sa kalagitnaan ng trahedya?
Trahedya at Paghasik ng Lagim
Naituring ng trahedya ang nangyari sa Guimaras. Pero ang ganid na grasa ay di pa rin tumitigil sa paghasik ng lagim. Mula sa winisik na dugo ng mga Arabo at Pilipino, ngayon sisirain nito di lamang ang Guimaras pero pati na ang mga karatig isla nito ng Negros at Panay.
Di naglaon, nakaabot na nga ang lagim sa Iloilo, sa limang bayan nito. Ngayon ang grasa’y naglalayag patungo sa mayamang palaisdaan ng Dagat Visayas. Upang gimbalain ang tinaguriang isa sa pinakamayaman at pinakadelikadong palaisdaan sa bansa.
Dalawa na ang napabalitaang namatay sa Guimaras dahil sa paglanghap ng bagsik ng baho ng langis. Marami na ang nagugutom, nawalan ng kabuhayan. Marami ang di na nagpatuloy sa pagpunta sa mga baybayin nito, malamang baka magka-galis sila. Marami nang umiiwas na kumain ng isda, baka mamatay pa pag kinain ito.
Pangarap ng Iloilo at Guimaras na makita muli sa pambansang telebisyon para ipromote ang kagandahan ng lugar. Pinangarap marahil ipinag-kait ito sa kanila ng matagal ng panahon. Pero ng mangyari ang trahedya, lumabas na sa headlines ng bawat pahayagan at balita sa telebisyon. Negatibo ang promosyon.
Lugmok, inalipusta ng di naman kasalanan ng mga nangangalaga.
Ang birhen at matamis na esmeralda ng Guimaras ay ginahasa, nagsusumamo. Sumisgaw sa tulong. Tulad ng pangalan ng operasyon na tumutulong sa pag-angat ng Guimaras at naapektuang lugar, may araw na sisikat muli para sa birheng inalipusta at sa kanyang mga anak.
—————–
para makatulong, bumisita lang sa www.projectsunrise.org
ako wala lng
Posted by amerie at August 29, 2009, 9:24 pmI took my first business loans when I was 25 and it helped my family very much. However, I need the credit loan once more time.
Posted by LuannLeon at June 15, 2010, 6:22 am
hindi ko pa nmn napupuntahan ang guimaras na yang pero sabi nila maganda raw pero sa totoo lang gusto kong pumunta dyan kaso nag aaral pa ko at marami pa akong dapat gawin bago ako pumunta dyan ikakasaya ko na
Posted by elis at August 29, 2009, 9:23 pm