“Dekada Nobenta: Ang Gintong Panahon ng Musikang Pilipino”
Bata pa ako noon nang sumulpot ang mga bandang Pinoy tulad ng E-heads at Rivermaya. Hindi pa ganoon katalas ang aking alaala kaya kaunti lang ang mga naaalala kong banda pero habang ako’y lumalaki ay sumasabay sa akin ang himig na tila sigaw ng kabataan noong kapanahunang iyon.
Ang mga banda ng dekada nobenta sa industriyang musika o OPM ay tinaguriang boses ng kabataan. Sa mga kapanahunang iyon, umusbong ang kamalayan ng kabataan. Sa pamamagitan ng musika, nailalabas nila ang kanilang damdamin na maaaring kasiyahan, kalungkutan, galit at pati na patriotismo.
Sa kalagitnaan ng dekada sumulpot ang mga banda, napansin ko ito habang papalapit ang Sentenaryo ng Kalayaan ng ating bansa. Ang mga tema ng kanta ay simula sa, sabi ng iba ay walang kwenta, hanggang sa mga isyu na bumabagabag sa bayan (mula sa mga buwaya sa pamahalaan hanggang sa kalikasan). Tila parang musika na hawig sa kapanahunan ni Marcos at sa People Power sa EDSA noong 1986. Usong uso noon ang uring Rock sa OPM.
Ang masaya pa noon, hindi pa ganoon kalala ang pamimirata. Kumikita ang artista kahit papaano at hindi pa uso ang CD player sa masa (cassette tapes ang uso noon, record ka lang ng record pero hindi naman sya ganoon kagrabi ang bentahan ng peke di tulad ngayon dahil na rin sa teknolohiya).
Sa mga kapanahunang iyon ay sinusuportahan ang musikang Pilipino, hindi lamang ng kabataan, pati na rin ang iba. Mula sa mga talent managers hanggang sa mga fans. Bininbigyan din ng sapat na airtime sa radyo ang mga kanta na ginagawa ng lokal na banda para ito’y iparinig sa bansa–kaya naging best-seller sila at ang iba’y naging “icon” ng musikang Pilipino. Malakas din ang suporta ng mga rehiyonal na sangay ng mga internasyonal na media companies tulad ng MTV at Channel [V] para sa pagpromote ng kanta.
Pero sa pagsasara ng 1998 hanggang sa mga huling taon ng ika-20 siglo, unti-unti nanamang pinapapak ng mga dayuhang artista ang mga music charts at tila naging matumal ang bentahe ng mga CDs at tapes dahil na rin sa krisis at pamimirata na unti-unti nang umuusbong sa mga kapanahunang iyon. Inaakalang lulubog na ang industriya dahil dito, kaya ang iba’y nag-hiwalay o di kaya’y umalis para sa ibang bansa.
“2002-03: Acoustics Live!”
Ewan ko kung anong nangyari sa OPM noong first year ako sa kolehiyo. Medyo dominante pa rin ang mga dayuhan sa mga talaan sa radyo. Pero tila isang commercial stint ata ang nagsimula ng “back to basics” o tinatawag na acoustic.
Naaalala ko pa noon ang pag-usbong ng hindi pa kilalang si Paolo Santos dahil sa isang commercial na ginamit ang kanyang kanta, at ang mga sumunod ay kasaysayan na. Sunod-sunod ang pagsulpot ng mga artistang pang-acoustic tulad ni Nyoy Volante & the Mannos at ni Jimmy Bondoc. Nauso ang mga “acoustic versions” ng mga kanta na nirevive. Dahil na rin sa pagsuporta ng mga radyo, tulad ng dati sa pamamagitan ng paglatag ng sapat na airtime sa mga kanta, naging popular ang mga ito. Kahit na mga kantang banyaga na tila hindi kilala ng madla ay nakilala dahil sa mga ito.
Kasabay dito ang pagbalik ng ibang artista o banda na tumahimik ng ilang taon dahil nasisimoy na nila ang pagbabalik ni OPM.
Pero kalaban pa rin nila ang pamimirata, kaya ang mga artista na mismo at pati na ang recording companies at ang pamahalaan, ay naglunsad ng opensiba laban sa pamimirata.
Parang ebolusyon ng musika ang sumunod sa acoustic. Kasabay ng isang gitarang tumutunog ay dinagdagan pa ito ng isa at ng drums hanggang sa ito’y naging “alternative o rock”.
“2004: The Year of Pinoy Rock”
Ang pamagat ng paksang ito ay sinabi mismo ni VJ Marc Abaya ng MTV Pilipinas sa kadahilanang ang taong ito ay punong-puno ng mga rock songs na masasabi nating sariling atin!
Ang pagbabalik ni Bamboo sa industriya matapos ang 5 taong pagkawala sa mata ng madla ang isa sa mga kadahilanang bumalik ang sigla na naramdaman sa dekada 90. Ang “Noypi” ang pumukaw sa damdamin ng kabataang Pinoy sa inang bayan. Naging popular ito.
Sumunod na ang Sandwich, SugarFree, Imago, SpongeCola, Hale, Cueshe, ang pagbabalik ng GreyHounds, Parokya ni Edgar, pati na ang Rivermaya, ChicoSci, at napakarami pang iba na hindi ko na maaalala pa.
Nagsimula sa pagiging indie o independent artists (walang kontrata sa recording company) ang mga tulad ng SugarFree o Imago at marami pang iba na sinuportahan at tuluyang sumikat.
Ang iba naman ay muling nagbabalik mula sa pananahimik tulad ng RiverMaya, Bamboo, GreyHoundz, at iba pa.
Ngayon, kahit saang radyo ka sa Pilipinas makinig, halos namumuno sa lahat ng kanilang charts ang OPM, mapa-rock o love-songs!
Kasabay ng mga banda ay ang pagsulpot ng mga pa-kontest para maging susunod na sikat na singer. Dito ipinapakita ang paghahanap ng mga talentong hindi pa naririnig na maaari nating ipagmalaki sa susunod tulad ni Lea Salonga.
Marapat nating suportahan ang tila muling pag-usbong ng musikang Pilipino. Marami na silang nilikom na mga gawad na dapat nating ipagmalaki hindi lamang sa lokal kundi sa internasyonal na patimpalak! Likas sa mga Pilipino ang pagiging malikhain at mapagmahal sa musika. Hindi na makaalis iyan sa dugo nila. Tila, sa nag-iinit na krisis na nararamdaman natin ngayon ay hindi pa rin namamatay ang diwang nasyonalismo sa atin. Dahil sa pagusbong ng musika, sana umusbong na rin sa susunod ang pelikulang Pilipino na nakakaranas ngayon ng mahinang suporta di tulad noong wala pa ang pamimirata o kahit na betamaks at ang libreng pagpasok ng mga dayuhang sine.
Sana patuloy na lang ito, apakan ang kaisipang kolonyal sa pamamagitan ng sining at tayo’y uusbong mula sa abo ng ating pagkakamali at pagkadapa at patuloy sa pagunlad ng kamalayan na tayo’y Pilipino at taas noo nating ipagmalaki. Patungo sa bayang maunlad! Mabuhay ang Musikang Pilipino!
(Sayang hindi siya in-depth research na artikulo, anyway hindi naman ito ilalathala…this is my blog,bwahahaha!)








