Sinubukan ko naman ang isang natatanging alternatibo na bukod sa mura na, marami ka pang lugar na makikita, ito ang pumunta sa Maynila sa pamamagitan ng “Strong Republic Nautical Highway” na pinasimunuan ni Pangulong Arroyo para magkaroon ng alternatibo ang “Maharlika Pan-Philippine Highway” sa may silangang bahagi ng Pilipinas.
ISLA PAN DE HAY!
Sumakay ako ng Philtranco. Bus Number 720. Aircon ito pero alam nyo kung saan ito dadaan? Sa Calinog. Opo, imbes na sa Pototan dumaan, eh napadaan pa kami sa Calinog na medyo napalayo sa destinasyon. (Gumising pa ako ng maaga tapos hinatid na ako sa terminal tapos dadaan lang pala sila sa amin! Gastos sa pamasahe!). Pumick-up sila ng pasahero sa daan na may tiket tapos nag-stop over kami sa Lungsod Passi at makainom nga ng kape at makakain ng “linagang pata na may alugbati” (surprised?!). Dalawang oras pa sa pawindang-windang, lubak lubak at makitid na daan patungo sa republika ng “mga taga-hawak ng puting perlas ng Pilipinas” (Aklan) bago kami sumapit sa kabisera nito, ang Kaeibo (Kalibo,hehe!). Nagkita kami ng matagal ko nang hindi nakikitang schoolmate na si Ate Jai-Jai, papunta rin syang Maynila kaso sa kabilang bus sya. Isa nanamang oras at kalahati ang lumipas (sa Ibajay, nakita kong nakaupo sa veranda ang isa naming kaklase nang napadaan ang bus sa kanila) at nakarating kami sa pier ng Caticean (Caticlan), ang sinasabing “gateway to the world’s best beach”, Boracay.
Noong nakaraan, pumunta ako dito kaso ako’y nanghinayang sa ganda na sinira ng masyadong komersalisyadong paligid nito. Kung maligo ka pa doon, para kang naligo sa pond na may puting buhangin dahil sa dami ng lumot sa dagat! Yuck! Anyway, balik sa biyahe, pinakain kami sa isang resto na kinontrata ng kumpanya ng bus. Aba! Medyo mahal ata ang pagkain, P40! Tapos, naghantay pa kami sa Caticlan ng 3 oras hanggang sa umalis kami sa pantalan ng bandang alas-3 ng hapon. Napadaan sa Boracay na parang wala lang at limang oras kami nagbiyahe sa laot patungo sa bayan ng Roxas sa Mindoro Oriental.
MV MAHARLIKA S**T-E
Ang limang oras ng nasa loob ng oven dahil sira ang aircon ng kwartong kinapapahingahan namin. Boring, grabe! Atat na atat na akong makadaong sa Mindoro! Buti na lang andyan si Ate JaiJai kundi baka nagwala na ako sa barko sa sobrang walang magawa! Ang bagal kasi! Tapos as usuall, ang pagkain ay mahal pa, kala mo lahat eh nasa dolyar ang presyo! 8:30 na ng gabi ng makarating kami ng Mindoro.
BATO BATO SA BUS, ANG RAMBUTAN MURA-MURA LANG
Kung tutuusin, ito ang kauna-unahang kong pagkakataong makatungtong sa Mindoro kaso gabi pa! Bwisit! Hindi ko ma-unawaan ang kagandahan ng islang ito dahil madilim ang paligid! Talk about first time huh?! Anyway, kumain ako sa kainan na sa uulitin, kinontrata ng kumpanya ng bus at sa aking paga-gulat sa presyo ng kakatiting na ulam at kanin na P50 ang halaga, para akong hinoldap! Sabi ko, “malapit na ako sa Maynila”. Ayun, dahil sa gutom sa biyahe sa laot, walang magawa. Nakita ko ang senyas: 126 KM to Calapan City-ang kabisera ng lalawigan. 3 oras pa, pero bago kami lumabas ng bayan ng Roxas, kami’y pagod at handa ng pumahinga ng pinatay ang ilaw sa bus at pinasasara ang mga kurtina dahil may mga nambabato daw sa daan. Binalewala ko na lang ang sinabi ng konduktor, baka pakulo lang ito, hindi pala.
Matapos ang 2 oras na biyahe, tumigil kami sa Happy Valley, bayan ng Socorro. Animio’y Davao ang simoy ng hangin ng dahil sa….DURIAN! DURIAN sa Southern Tagalog? Kala ko ba sa Davao lang ito?! Medyo maliliit at may konting kamahalan kung ihahambing mo siya sa durian sa Davao. May mangosteen at marang din. Amoy galing Mindanao ang bus tuloy! Pero ang napansin kong marami-raming binebenta rito ay ang rambutan. Sa halagang beinte pesos kada kilo (mura na ‘to) sabi nga ng aking ina, matamis ini! Kaya bumili ako (pasalubong ko kay mama ito). Umalis kami at nagpatuloy sa pagewang-gewang na kalsada sa Mindoro.
Pagsapit ng bayan yata malapit sa Naujan, nagkatotoo nga ang sinabi ng konduktor! Binato nga kami ng mga gago na walang magawa sa buhay! Patuloy pa rin kami sa pagbiyahe kahit na nangyari ang pambabato ng mga gago. Iniisin ko, bakit kaya binato kami? Gago nga ba sila o may rason? Nakaabot kami sa munting syudad ng Calapan ng hatinggabi ng antok at pagod! Sa pier, pinalipat kami sa bapor at doon nagpalipas ng 2 oras ng biyahe patungong Luzon, ang destinasyon: Lungsod ng Batangas.
ANG HARUROT SA TIMOG KATAGALUGAN
Hindi ako masyadong nakatulog sa barko habang binabagtas namin ang isa sa pinaka-busy na daanan ng barko sa bansa, ang Isla Verde Passage. Maraming barko ang dumaraan dito, araw-araw, gabi-gabi. Sa maliit naming bapor na kung tawagin ay StarLite Nautica, tinawid namin ang kipot. Sa Calapan pa lamang, sinubukan kong patugtugin ang mumurahin kong radio-walkman at sa aking surpresa, mga radyo na sa Maynila ang naririnig ko!
Ang Lungsod ng Batangas ay maliwanag kung makikita mo sa laot. Ang ganda pagmasdan ang mga ilaw na sumasaliw sa dilim at liwanag ng buwan. Nakita ko ang dati kong napuntahang paraiso, ang Ilijan, na ngayo’y pinatayuan na ng isang istrakturang planta. Paparating na kami sa pier ng makaamoy kami ng amoy-tae! Ang baho talaga, pero ok lang. Nakarating rin kami sa pier na sa palagay ko eh, pinakamoderno na yata sa bansa! At sa pagbaba namin sa pantalan ay ang pagkakataong masilayan ang sira ng bintana na binato noong gabing iyon sa Mindoro. Buti na lang walang nasaktan. Kami’y lumakad na…
Ang bagong expressway na STAR o Southern Tagalog Arterial Road ay nakapagpabilis ng biyahe namin patungong Maynila mula sa Lungsod ng Lipa. Hindi ko pala akalain na nasa Calamba na kami! Ang bilis! At isang oras o mas mababa pa, nakita ko ang mga bulwagang bago ng Alabang. Nakarating na pala ako ng Maynila. Puro expressways na ngayon no?!
MAYNILA SA KUKO NG LIWANAG
Nakarating ako ng Maynila, umaga na. Eksaktong 24 oras ng ako’y umalis sa Iloilo. Petsa: ika-21 ng Hulyo taong 2005. Bumaba ako sa Araneta Center Cubao. Tila gumanda ito mula sa nakakaligmok na itsura nito noon. Pangkumpetensya sa Makati! Sumakay ako ng MRT na may dalang bagahe at tumungo sa bahay sa Cavite. Bumaba sa Taft nang biglang bumuhos ang ulan. Sumakay sa isa nanamang bus patungong Imus. Himala sa aming biyahe at hindi trapik sa isang umaga na tila katapusan na ng mundo kung hindi magtatrapik sa Coastal Road hanggang Imus. Kung tutuusin, 5 kilometro lamang ang distansya ng Coastal Road sa Imus, pero 1 hanggang 2 oras ang biyahe kung rush hour! Believe it or not, dumaan dito ang Amazing Race 5 contestants! What a challenge!
Patuloy pa rin akong maglalakbay sa mga daanan sa Pilipinas…masaya. Maraming matutuklasan. Sa loob ng 24 oras, ang dami kong napuntahan. Pagod man ako o puyat, masasabi ko lang, sa mga nadaanan ko pa laman na lugar, ang dami na sana nating ipagmamalaki sa bansang tila yata lugmok dahil sa katarantaduhan ng iilan. Potensyal na tila hindi uusbong kung hindi ito aayusin at palalaguin. Tila, ironic lang talaga ang pangalan ng Nautical Highway na ito…